PatrolPH

Mag-amang Garin may patong-patong na kaso matapos manggulpi ng pulis

ABS-CBN News

Posted at Dec 28 2018 07:05 PM | Updated as of Dec 29 2018 12:34 AM

Watch more on iWantTFC

Patong-patong na kaso ang hinaharap ngayon ng mag-amang Garin ng Iloilo matapos ang ginawa nila umanong panggugulpi sa isang pulis noong Miyerkoles.

Inireklamo sina Guimbal, Iloilo Mayor Oscar Garin at anak nitong si Iloilo 1st District Rep. Richard Garin ng pananakit, panunutok ng baril, at pandudura kay PO3 Federico Macaya matapos daw hindi masunod ang kanilang gusto.

Nagalit daw ang kongresista kay Macaya dahil hindi nito sinunod ang pagsampa ng reklamo laban sa isang lalaki na nampukpok ng bote ng beer sa isang biktima noong Disyembre 22. Katuwiran ng pulis, iyong mismong biktima daw doon ang tumangging magsampa ng kaso.

Dahil sa insidente, kinansela ng Philippine National Police (PNP) ang license to own and possess firearms ng dalawang Garin.

Nitong Biyernes, personal na isinuko ni Iloilo Vice Governor Christine Garin sa PNP Regional Civil Security Unit ang siyam na high-powered at low-powered firearms ng kongresista at limang baril ng alkalde.

May dalawang baril pa umano ang nakababatang Garin na hindi pa isinusuko habang tatlong baril na nakarehistro sa mayor ang sinasabing nawawala.

Pero kahit pa isinuko ng mag-ama ang ilan sa kanilang armas, nahaharap pa rin sila sa patong-patong na kasong kriminal at administratibo.

Kabilang sa mga kasong kriminal na isinampa laban sa kanila ang direct assault, physical injuries, alarm and scandal, at serious illegal detention.

Kabilang naman sa isinampang kasong administratibo sa Ombudsman ang conduct unbecoming of a public official at abuse of authority.

Giit nina Interior Secretary Eduardo Año at PNP chief Director General Oscar Albayalde, hindi nila palalampasin ang pananakit ng mag-amang Garin.

"We will not tolerate that kind of abuse of authority and arrogance of display of power," ani Año.

"We will support our policemen here. Hindi naman maganda na inaabuso nang ganyan 'yung ating mga kapulisan lalo na kapag nakauniporme at ginagawa lang naman ang kanilang tungkulin," ayon naman kay Albayalde.

Matapos naman ang isang pulong, nagpasya na ang National Police Commission (NAPOLCOM) en banc na tanggalan ng deputation authority si Mayor Garin na nagbibigay sa kaniya ng supervision at kontrol sa Guimbal police.

"He cannot give orders anymore to the PNP because such an authority has been part of what has been revoked by the commission. As we all know, mayors, governors are representatives only of NAPOLCOM insofar as their authority over the police is concerned," paliwanag ni NAPOLCOM commissioner Rogelio Casurao.

Bagama't maaaring umapela si Garin, immediately executory o agad nang ipatutupad ang pasya ng NAPOLCOM.

—Ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.