Bilang ng mga Pinoy sa 2019, aabot sa 108-M: POPCOM

ABS-CBN News

Posted at Dec 28 2018 06:44 PM

MAYNILA - Inaasahang lolobo sa 108,885,096 ang bilang ng mga Pilipino sa dulo ng taong 2019, ayon sa pagtataya ng Commission on Population and Development (POPCOM).

Ibinase ng POPCOM ang pagtataya sa sensus ng populasyon ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong taong 2015.

Base sa datos ng PSA, ang bilang ng mga Pilipinong ipinanganganak kada araw ay bumaba sa 4,659 (4,730 noong 2016) o 194 kada oras (nasa halos tatlo kada minuto).

Taong 2017 naman nang makapagtala ng pinakamababa sa loob ng 10-taon ng bilang ng ipinanganak na nasa 1,700,618 o bumaba ng 1.8% sa crude birth rate noong taong 2016.

Dagdag pa ng datos ng PSA na tuloy-tuloy rin ang pagbaba ng "adolescent births" noong taong 2017 mula 201,182 patungong 196,478, pero tumaas naman ang bilang ng nabubuntis na babae edad 15-anyos pababa.

"Mula taong 2011, nakita natin ang pagtaas ng bilang ng mga kabataan edad 10-anyos hanggang 14-anyos na nanganganak. Ito ay nagpatuloy hanggang taong 2017 na nagtala ng 2,077 na panganganak sa nasabing 'age bracket'," ayon kay POPCOM Executive Director Juan Antonio Perez III.

Aniya, ibig sabihin lamang nito na tumaas ng 50% ang mga "very young adolescents" na nanganak mula taong 2011 (na nakapagtala ng 1,381 na panganganak).

"Dahil dito, tinatawagan ko ng pansin ang mga lokal na pamahalaan para tugunan ang pangkalusugan at panlipunang suliraning ito," sabi pa ni Perez.

Tumataas din kada taon ang proporsyon ng senior citizens o mga Pinoy edad 60 pataas.

"Sa pageestima ng POPCOM, 8.2% ang itataas sa taong 2019 mula 7.5% taong 2015. Ang grupo na ito ang may pinakamalaking pagtaas ng bilang kumpara sa ibang grupo gaya ng kabataan," sabi pa niya.

HIGIT 70-M BILANG NG LAKAS PAGGAWA

Samantala, higit sa 1.4-milyon naman ang maidadagdag na mga Pilipinong nasa edad na pwedeng nang magtrabaho kaya't aabot ang bilang sa 70,121,863 sa pagtatapos ng taong 2019.

Ang mga Pinoy na hindi pa kasama sa bilang ng lakas paggawa (edad 15-anyos pababa at edad 65-anyos pataas) ay lolobo sa 363,043 para maabot ang bilang na 38,482,360.

Papalo din sa 55 ang dependency ratio ng bansa, mas mababa sa ratio noong 2018 na 55.5.

"Kailangan nating rebyuhin ang mga polisiya at program sa populasyon para masiguradong angkop ito sa pangangailangan ng bawat 'age group'. Kailangan din ito para matugunan ang mga kinakaharap na pagsubog ng nagbabagong ‘age structure’ ng bansa,” sabi ni Perez.