Barangay chairman patay sa pamamaril sa Lipa

Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Posted at Dec 28 2018 10:47 PM

Patay ang isang barangay chairman sa Lipa City matapos pagbabarilin sa loob ng isang sabungan nitong Biyernes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Malon Luancing, pangulo ng Association of Barangay Captains sa lungsod.

Ayon sa ilang nanoood ng sabong, sunod-sunod na putok ang kanilang narinig na una'y inakala pa nilang mga paputok.

Nagsimula na lamang umanong magkagulo nang may umakyat na lalaking duguan sa may ruweda.

Nagtakbuhan umano ang ilan at nakita si Luancing na nakabulagta at duguan malapit sa hagdan.

Inaalam pa naman ang pakay ng barangay chairman sa lugar gayong ipinagbabawal ang mga opisyal sa pagpunta sa mga lugar sugalan.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.