Suspek sa pagpatay sa mag-ina sa Cavite sumuko

ABS-CBN News

Posted at Dec 28 2017 11:03 AM | Updated as of Dec 28 2017 01:33 PM

MANILA - Lumantad na ang suspek sa pagpatay sa mag-ina ng isang OFW sa Cavite, kasabay ng pag-ako sa krimen, Huwebes. 

Kusang sumuko sa Eastern Samar police si Ruel Galvan Cabatingan, na umano'y kababata at karelasyon ng napaslang na ginang, ayon kay Senior Supt. William Segun, hepe ng Cavite police. 

Nagtago aniya si Cabatingan sa Eastern Samar dahil may mga kamag-anak siya roon.

Inamin ng suspek na siya ang pumaslang kay Ruby Gamos at 7-taong-gulang nitong anak, pero hindi pa malinaw kung bakit niya ito nagawa, sabi ng mga pulis.

"Ang sinabi niya, he did it, pinatay niya iyung dalawa by choking," sabi sa DZMM ni Senior Supt. Tranquilino Araral III, hepe ng Eastern Samar police. 

Nakatakdang sunduin ng Cavite police si Cabatingan mula Samar.

Disyembre 11 nang matagpuan ang bangkay ng mag-ina sa loob ng kanilang bahay sa General Trias, Cavite.

Batay sa salaysay ng mga kapitbahay sa pulisya, madalas makita si Cabatingan sa bahay ng mga Gamos.

Nangyari ang krimen habang nasa United Arab Emirates ang padre de pamilyang si Marlon Gamos, isang seaman. 

Ulat ni Jasmin Romero, ASB-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.