Sangkaterbang bagahe, nakaaantala sa biyahe ng mga bus

ABS-CBN News

Posted at Dec 28 2017 07:21 PM | Updated as of Dec 28 2017 10:50 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Aminado ang pamunuan ng ilang bus line na sadyang naaantala ang iba nilang biyahe dahil sa lagay ng trapiko.

Pero may pagkakataon ding nagkakaroon ng delay sa biyahe dahil tumatagal ang loading time sa bus bunsod ng sandamakmak na gamit ng ilang pasahero.

Tulad na lang sa kaso ng mag-inang Anna at Jen Merino na napaiyak nang sabihan sila ng dispatcher na hindi sila pasasakayin sa biyahe kahit pa nakabili na sila ng ticket pauwing Samar.

Paano raw kasi, hindi na rin kakayaning isakay rin sa bus ang napakarami nilang bitbit kabilang na ang apat na naglalakihang speakers.

Puwede naman daw sumakay ang mag-ina kung babawasan nila ang kanilang gamit, pero ayaw naman ng mga Merino na iwanan na lang ang mga speaker.

Sa huli, wala silang nagawa kundi maghiwalay ng biyahe para mapagkasya sa dalawang batch ang kanilang mga gamit at maiuwi sa Samar. 

Iyon nga lang, panibagong paghihintay ito ng biyahe ng bus lalo't inaasahang bukas mas marami ang mga pasaherong uuwi sa mga probinsiya para sa pagsalubong ng Bagong Taon.

Ayon sa dispatcher ng bus, kahit ano'ng pilit na pagkasyahin ang mga gamit, kung sobrang dami ng bagahe hindi rin ito uubra.

May takdang kapasidad din lang kasi ang mga bus para sa bagahe.

Hindi rin puwedeng ibalandra lang ang mga gamit sa estribo ng bus.

Kahit naman panay ang paalala ng mga bus line sa mga pasahero na limitahan ang mga bagahe, marami pa rin ang sobra-sobra ang dala.

Kuwento pa ng isang ginang, may mga kaibigan din daw kasi siyang nakipadala sa probinsiya.

DAGSA NG BIYAHERO

Sa dami naman ng pasahero ngayon, wala nang "reservation" sa mga ordinary bus.

First-come, first-served basis na ngayon ang bentahan ng tickets sa mga ordinaryong bus.

May ilang ticketing booth na tanghali pa lang ay sarado na dahil mabilis napuno ang mga bus. 

Mas matiwasay naman ang sitwasyon sa bus stations na may biyaheng papuntang norte. 
    
Naniguro na ang ibang bus companies at kumuha na ng special permit sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Nabigyan ng 23 ekstrang trip sa iba-ibang destinasyon ang Victory Liner kaya hindi raw mauubusan ng masasakyan ang mga pa-norte. 

Samantala sa Ninoy Aquino International Airport, binabantayan na rin ang pagdami ng tao.

Lalo raw kasing nagmumukhang siksikan sa paliparan dahil sa dami ng mga sumasalubong at naghahatid din sa kanilang mga bibiyaheng mahal sa buhay.

Sa tala ng airport authorities, tumaas na rin ang bilang ng mga bumibiyahe ngayong araw, mapa-domestic o international flights man.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.