Opisyal, magbibitiw kung mapatunayang naglakwatsa sa ibang bansa

ABS-CBN News

Posted at Dec 28 2017 09:55 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Handang magbitiw sa puwesto ang administrator ng Maritime Industry Authority (MARINA) kung mapatunayan na junket ang mga naging biyahe niya sa iba't ibang bansa.

Ito’y matapos magsumbong sa Malacañang sa pamamagitan ng isang sulat ang nagpakilalang Alliance of MARINA Employees (AME) ukol sa umano'y junkets ng MARINA administrator na si Marcial Quirico Amaro III. 

Bumiyahe umano si Amaro ng 11 beses sa loob ng isang taon sa iba’t ibang bansa at tinawag pa nilang absentee administrator.

Humarap naman sa News team nitong Huwebes si Amaro at inamin niyang marami siyang naging biyahe pero hindi ito matatawag na junket. 

“That would be a productive trip in a sense. Kung hindi po tayo nakikipag-discuss, hindi po tayo nakikipag-argue sa mga organization who creates [sic] international regulation, ang magsa-suffer po ang bansa natin,” ayon kay Amaro.

Sabi pa ni Amaro, kinakailangang siya mismo ang bumiyahe dahil hindi pa rin nakukumpirma sa posisyon ang kaniyang mga deputy director na mga presidential appointee.

Ayon naman sa isa sa mga board of director ng AME, hindi kinakatawan ng sulat ang pangkalahatang sentimyento ng grupo at inaalam nila kung sino ang talagang nagsulat nito sa kanilang 100 na mga miyembro.

"Wala sa intensiyon natin na sumulat ng ganyan," sabi ni Benjamin Polli, board of director ng AME.

Pero buwelta ni Amaro, huwag sana siyang siraan dahil hindi niya napagbibigyan ang umano’y ginagawang katiwalian ng ilan sa kanila.

Sabi pa niya, handa siyang umalis kung mapatunayan na junket talaga ang kaniyang mga pinuntahan.

"Ako po ay... at the pleasure of the president e so he has all the right to remove me. Gagawin ko ho ang nararapat dito sa posisyon na 'to," aniya.

Hindi pa naman nakikita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ngayon ang nabanggit na sulat pero ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, makaaasang may kaakibat na aksiyon kapag mayroong formal complaint na inihain.

"There's been officials that have been ordered removed by the President because of complaints. Some of which officially received by the Office of the President so expect action if there was formal complaint filed by MARINA employees against some MARINA officials," ayon kay Roque.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.