OFW, di pinagdudahan ang misis na napaslang

ABS-CBN News

Posted at Dec 28 2017 09:22 PM | Updated as of Dec 28 2017 10:10 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Inamin ng overseas Filipino worker na si Marlon Gamos na wala siyang kaalam-alam na ang misis niya ay may karelasyon, na siya namang umamin sa pagkamatay ng mag-ina ni Gamos.

"Everyday naman ang communication namin, halos araw-araw naman kaming nagshe-share ng 'I love you,' never akong nag-doubt sa misis ko. Ganoon ko siya kamahal," ani Marlon.

Nitong Huwebes, kusang sumuko sa Eastern Samar police si Ruel Galvan Cabatingan, na umaming siya ang pumatay sa mag-ina ni Gamos na sina Ruby at ang pitong taong gulang na anak nito.

Kababata rin umano ni Ruby ang suspek at schoolmate nila ni Marlon noong high school.

Sa kabila nito, nagpasalamat si Gamos na natukoy at nahuli na ang suspek.

"Laking pasalamat ko sa inyo. Kung ano man iyong nararamdaman ko na hindi ako makatulog, pare-parehas tayo, nakikisimpatya kayo sa akin," aniya.

Ayon sa pulisya, nagtago si Cabatingan sa Eastern Samar dahil may mga kamag-anak siya roon.

Inamin umano ng suspek na siya ang pumaslang sa mag-ina pero hindi pa malinaw kung bakit niya ito nagawa.

"Ang sinabi niya, he did it, pinatay niya iyong dalawa by choking," sabi sa DZMM ni Senior Supt. Tranquilino Araral III, hepe ng Eastern Samar police. 

Nakatakdang sunduin ng Cavite police si Cabatingan mula Samar.

Disyembre 11 nang matagpuan ang bangkay ng mag-ina sa loob ng kanilang bahay sa General Trias, Cavite.

Batay sa salaysay ng mga kapitbahay sa pulisya, madalas makita si Cabatingan sa bahay ng mga Gamos.

Nangyari ang krimen habang nasa United Arab Emirates si Marlon.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.