Lalaking nang-snatch ng cellphone, timbog

ABS-CBN News

Posted at Dec 28 2017 04:31 AM

Arestado ang isang lalaki matapos mang-snatch ng cellphone sa isang pasahero ng jeep sa Tondo, Maynila Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Joseph Andal, 18 anyos, residente ng Balut, Tondo.

Ayon sa biktima na si alyas Lyza, inilabas niya ang kanyang cellphone para magtext sa asawa nang bigla itong dukutin mula sa bintana ng jeep pasado alas-6 ng gabi.

Agad na nagpasaklolo ang biktima at dumulog sa mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau na nagpapatrolya sa lugar.

Hinabol ng mga otoridad ang suspek at makalipas ang dalawang oras ay nakatanggap na ng tawag ang biktima mula sa MTPB na nahuli na ang suspek.

Ayon sa suspek, nagawa niyang magnakaw para may ipambili ng pagkain at solvent. Mahaharap siya sa kasong theft. - ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.