Bigat ng trapiko sa Baguio, ikinayayamot ng ilang residente

ABS-CBN News

Posted at Dec 28 2017 10:18 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Aburido ang ilang residente ng Baguio City dahil sa mabigat na daloy ng trapiko bunsod ng pagdagsa ng mga turistang namamasyal at sasalubong sa Bagong Taon.

"They should do something about it (trapiko)," sabi ng residenteng si Carolyn Leon.

Nitong Huwebes, patuloy ang pagdagsa ng mga turista sa mga pampublikong pasyalan sa lungsod na tinaguriang "Summer Capital of the Philippines," gaya ng Session Road at Burnham Park.

Ang ilan sa mga bakasyonista'y inireklamo rin ang matinding trapiko.

"Sobrang traffic pero okay naman siya," anang turistang si Abe Gohar.

"I don't really like it. It takes long to go everywhere," ani Marty Calanod, isa pang bakasyonista.

Bumigat din ang daloy ng trapiko sa Marcos Highway, na isa sa mga daanan papasok ng Baguio.

Inabot ng oras ang ilang biyahero dahil sa bumper-to-bumper na trapiko.

"Medyo grabe po, mga two hours kami bago umabot dito," kuwento ng turistang si Ron Alfonso.

Bagaman walang abiso ng mga alternatibong ruta, pinaigting naman ng mga traffic enforcer ang kanilang pagbabantay sa mga kalsada.

Noong Miyerkoles, apat naman ang sugatan sa banggaan ng limang sasakyan sa Marcos Highway sa Tuba, Benguet.

Hindi umano kumagat ang preno ng isang trak na may kargang gulay kaya inararo nito ang mga sasakyan sa harapan.

Sa lakas ng pagbangga, tumama ang isang trak sa poste ng kuryente na naging sanhi ng brownout sa Tuba.

Huwebes ng umaga nang maibalik ang kuryente sa lugar.

-- Ulat ni Justin Aguilar, ABS-CBN News