3 suspek sa pananaksak sa estudyante, timbog

ABS-CBN News

Posted at Dec 28 2017 05:54 AM

Arestado ang tatlong suspek sa panghoholdap at pananaksak sa isang working student sa Tondo, Maynila.

Kinilala ang mga nahuli na sina Danilo Chicano Doctora, 19-anyos, Francis Sablay, 19-anyos, at Ricky Piedragorda, 19-anyos.

Inamin ni Doctora sa otoridad na siya ang sumaksak sa biktimang si Mico Absalon, 22-anyos.

Idinadawit niya si Sablay sa krimen. Hugas kamay naman sa pananaksak si Piedragorda.

Sa kuha ng CCTV sa Barangay 126 sa Balut, Tondo, makikita na sinundan ng mga suspek ang biktima habang naglalakad sa Simeon de Jesus St. pasado alas-5 ng madaling araw ng Miyerkoles.

Galit na galit naman ang mga kamag-anak ng biktima sa nangyari lalo pa't kakilala nila ang mga suspek. 

Ayon sa kanila, ibinigay naman daw kasi ng biktima ang cellphone at isang polo shirt pero pinagsasaksak pa rin ito.

Kasalukuyan pang nagpapagaling sa Tondo Medical Center ang biktima na nagtamo ng apat na saksak sa tiyan, tagiliran, at dibdib.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong robbery with physical injury at pinag-aaralan pa ng pulisya kung mauuwi ang kaso sa frustrated homicide.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.