PatrolPH

Pagbabasbas ng mga replica ng Itim na Nazareno, nagsimula na

ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2021 06:09 PM | Updated as of Dec 27 2021 06:58 PM

Sinimulan nitong Disyembre 27, 2021 ang pagbabasbas ng mga replica ng Itim na Nazareno sa Quiapo Church, Maynila. Joyce Balancio, ABS-CBN News
Sinimulan nitong Disyembre 27, 2021 ang pagbabasbas ng mga replica ng Itim na Nazareno sa Quiapo Church, Maynila. Joyce Balancio, ABS-CBN News

Sinimulan ngayong Lunes ang taunang pagbabasbas sa mga replica ng Itim na Nazareno sa Minor Basilica of the Black Nazarene (Quiapo Church) sa Maynila.

Para maiwasan ang dagsa ng mga deboto, ginawang 3 araw ang pagbabasbas, ani Quiapo Church parochial vicar Fr. Douglas Badong.

"Iyong dating 1 araw lang natin ginagawa, para maiwasan ang ating pagdidikit-dikit at masunod pa rin natin ang physical distancing, ay ginawa nating 3 araw," ani Badong ukol sa event na tatagal hanggang Disyembre 29.

Kasabay ng pag-umpisa ng pagbabasbas, nagdaos din ng misa sa Quiapo Church bandang tanghali ng Lunes.

Watch more News on iWantTFC

Samantala, sinimulan din ngayong Lunes ang paglabas sa mga imahen ng Nazareno sa Quiapo Church para dalhin sa mga probinsiya.

"Nasa Atimonan, Quezon... at bukas naman ay bibiyahe iyong isang pa-north, papunta naman ng Baguio Cathedral," ani Badong.

Humingi naman ng pang-unawa ang pamunuan ng Quiapo Church kung hindi pa rin maidaraos sa susunod na taon ang nakagawiang prusisyo ng Traslacion, na nilalahukan ng daan-libong tao.

Sa Disyembre 30 naman magkakaroon ng thanksgiving procession ang Nazareno sa rutang dinadaanan ng Traslacion.

May mga pag-iingat pa ring gagawin para hindi dagsain ng mga deboto ang prusisyon.

"Imo-motorcade lang para naman po makalabas ang Nazareno na nakagawain, matunghayan siya. Puwede naman na doon lamang sa dadaanan, magsindi ng kandila," ani Badong.

Magsisimula naman alas-5 ng madaling araw ang mga Misa sa Disyembre 31, na idaraos kada oras hanggang alas-6 ng gabi.

Alas-8 ng gabi naman isasagawa ang Misa para sa bisperas ng Bagong Taon sa Quiapo Church.

Hinikayat ang mga mananampalataya na bisitahin ang Facebook page ng simbahan para makita ang updated schedule ng mga aktibidad at Misa.

— Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.