PatrolPH

Misamis Occidental mayor na binaril, pumanaw na

ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2021 06:27 PM

Pumanaw nitong Lunes si Mayor Michael Gutierrez ng Lopez Jaena, Misamis Occidental, na nadawit sa insidente ng pamamaril noong nakaraang linggo.

Binawian ng buhay si Gutierrez dahil sa mga natamong tama ng bala sa kaliwang bahagi ng kaniyang ulo. Hindi na ito nagkamalay pa buhat nang maoperahan noong Huwebes ng nakaraang linggo. 

Ayon sa pulisya, pinagbabaril si Gutierrez habang dumadalo sa isang Christmas party ng grupo ng mga politiko sa Tangub City noong Miyerkoles.

Hanggang ngayon ay wala pa ring inilalabas na resulta ng imbestigasyon ang pulisya pero ayon kay Northern Mindanao police spokesperson Lt. Col. Michelle Olaivar, may lead na kaso.

Tumanggi si Olaivar na magbigay ng iba pang detalye.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Misamis Occidental 2nd District Rep. Henry Oaminal na magbibigay siya ng P5 milyong pabuya sa kung sino man ang makakapagturo o makapagbibigay ng impormasyon sa namaril sa alkalde.

Hiling ng pamilya Gutierrez na mabigyan ng hustisya ang pagkakapaslang sa mayor.

— Ulat ni Dynah Diestro

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.