(UPDATE) Lubog sa baha ang maraming lugar sa Oriental Mindoro dahil sa walang tigil na pag-ulan dulot ng amihan at shear line.
Simula Lunes ng umaga, binaha na ang 8 barangay sa bayan ng Naujan.
Ayon kay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) head Joery Gelario, umapaw ang Tubig River kaya mabilis bumaha.
Isolated rin ang mga barangay ng San Andres at Masagana.
Sa bayan naman ng Baco, umabot na sa 581 ang bilang ng mga pamilyang inilikas dahil sa matinding pagbaha, ayon sa tala ng Municipal Social Welfare and Development Office.
Mula ang mga ito sa mga barangay ng Burbuli, Catuwiran 2, Malapad, Mangangan 1 at 2, Mayabig, Poblacion, Sta.Cruz, Sta.Rosa 1, at Tagumpay.
Ayon kay Baco Vice Mayor Eric Castillo, nasa 70 hanggang 80 porsyento ng Munisipalidad ng Baco ang apektado ng pagbaha bunsod ng walang tigil na pag-ulan at shear lines.
Umaga pa lang umano ay nagsimula na ang pagbaha dahil sa tubig na nagmumula sa kabundukan.
"Umaga pa lang kanina ay nagsimula ang tumaas yung tubig dito sa amin. Nag-peak po siya ng paglaki doon sa mga loob naming area kanina pong lunchtime. Ang siste lang po kasi nito, galing po sa mga bulubundukin namin, pababa po ang tubig papunta sa kabayanan hanggang sa papunta sa coastal area namin so ang nangyayari po, maliit ang tubig sa inner, sa sentro po at palabas ng coastal area ay palaki naman po yung tubig,” ayon kay Castillo.
“Almost 70-80% po ng barangay natin ay affected na out of the 27 barangays,” dagdag ng bise alkalde.
Nagsimula na rin umanong mawalan ng suplay ng kuryente sa ibang mga barangay dahil mas delikado kung mananatiling may suplay ng kuryente ang mga ito habang hindi pa humuhupa ang baha.
Tiniyak din ni Castillo na pupunan ang mga pangangailangan ng mga lumikas na residente.
"The barangay will serve them first and then tomorrow po kung may pangangailangan na sa augmemtation galing sa LGU, we will provide doon sa natitirang pondo,” aniya.
Pinaalalahanan din ni Castillo ang mga nasasakupan na manatiling ligtas at handa.
"Mas mahalaga po na lalo na at gumagabi na, manatili na lang po sila sa kani-kanilang bahay kung ito po ay mataas na lugar. Kung papunta po sa coastal area namin like yung sentro po yung Poblacion, ito pong papunta ng Catuwiran, Malapad, at Putican, yan po yung tinitigilan ng tubig, maging ready po sila at kung maaari po magpunta sa mataas na lugar para po hindi na tayo magkaproblema sa paglilikas sa kanila,” paalala ni Castillo.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.