PatrolPH

Matinding trapiko asahan sa pagsasara ng bahagi ng Roxas Boulevard: MMDA

ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2021 05:02 PM

MAYNILA — Asahan ang matinding trapiko sa southbound lane ng Roxas Boulevard sa Pasay dahil sa isasagawang repair sa umpisa ng susunod na taon, sabi ngayong Lunes ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos, inaasahang makararanas ng trapiko sa Roxas Boulevard sa oras na isara ang kalsada sa may HK Plaza at Libertad.

Kailangan kasi umanong i-repair ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang naturang kalsada, na maaaring maging peligroso para sa mga motorista kapag hindi naayos.

Tatlong buwan tatagal ang road closure, na ipatutupad ng DPWH at Department of Transportation (DOTr).

Nakikipag-ugnayan na umano ang DOTr sa mga private entity kaugnay sa ruta ng mga truck at container na galing Port Area.

Balak ding i-divert sa mga secondary at tertiary road ang mga pribadong sasakyan habang isinasagawa ang road repair.

Posibleng sa susunod na linggo maisapinal ang mga plano kaugnay sa road closure, ani Abalos.

— Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.