PatrolPH

'Higit 100,000 bahay sa Surigao del Norte pininsala ni Odette'

ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2021 08:14 PM

Watch more News on iWantTFC

TUBOD, Surigao del Norte — Umabot na sa mahigit 100,000 mga bahay sa lalawigang ito ang naitalang napinsala ng bagyong Odette.

Mahigit isang linggo matapos humagupit ang bagyo, hirap pa rin ang mga residente na makabangon lalo na't hindi pa naisasaayos ang mga napinsalang bahay.

Sa tala ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, 101,949 kabahayan ang sinira ni Odette:
 
• Totally damaged: 37,386
• Partially damaged: 64,360

Wala pa umano silang mapagkuhanan ng gamit para kumpunihin ang mga ito.

"Mahirap ang kalagayan sa Surigao ngayon, mahirap ang supply ng gated roofing materials. Houses are wet. Mahirap ang kalagayan ng mga tao dito, walang power supply, walang potable water system, may naibigay na tubig kulang pa rin," ani Marilyn Pono ng PDRRMO. 

Mahigit 10 araw na mula nang humagupit ang bagyong Odette pero kulang pa rin sa pagkain at maiinom na tubig ang lalawigan.

May mga tulong na dumadating sa mga lokal na pamahalaan, pero hirap din maipamahagi lalo na sa mga isla dahil limitado pa ang kanilang bangka.

May dumating naman nang mga doktor mula sa ibang probinsiya para tumulong sa paggamot. 

Sa huling tala ng Surigao del Norte, nasa 32 ang casualty count nila dahil sa bagyong Odette. Mahigit 500 pa ang nawawala at hinahanap.

—Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.