PatrolPH

COVID-19 vaccine, pagsigla ng kabuhayan dalangin ng mga Pinoy para sa 2021

ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2020 04:20 PM | Updated as of Dec 27 2020 06:35 PM

COVID-19 vaccine, pagsigla ng kabuhayan dalangin ng mga Pinoy para sa 2021 1
Sumusunod sa health protocol ang ilang deboto habang dumadalo sa Simbang Gabi sa Archdiocesan Shrine of the Sto. Niño de Tondo sa Maynila noong Disyembre 16, 2020. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Mahirap man o mayaman, bata o matanda, lahat ay naapektuhan ng pandemyang dulot ng COVID-19.

Sa pagtatapos ng taon, lahat ay patuloy na nagdadasal na may dalang bagong pag-asa ang 2021.

Isa rito ang 10 taong gulang na si John Francisco Jr., na sabik nang makabalik sa eskuwelahan.

Pero kapakanan umano muna ng pamilya at mga kapitbahay ang kaniyang isinasaalang-alang.

"Lord, sana po wala pong mahawa ng COVID sa lugar namin at sa pamilya namin para maging normal na po ang lahat," ani Francisco.

Ang pagbabalik-sigla naman ng kanilang kabuhayan ang taimtim na dalangin ng negosyanteng si Arlene Madlaay.

Watch more on iWantTFC

Nanatiling matamlay ang pagtitinda niya ng bulaklak kahit nag-Undas at Pasko.

"Dahil sa lugi namin sa bulaklak ngayon 2020, sana makabawi po kami next year," ani Madlaay.

Matinding hamon naman ang hinarap ng mga tsuper ng mga pampublikong sasakayan nang matengga ng ilang buwan.

"Dasal ko po sa New Year na ito, sana maibalik na 'yong dati naming biyahe para gumanda naman yung kita, tsaka mawala na 'yong sakit na COVID-19," anang jeepney driver na si Mario Amoroto.

"Sana mawala na po 'yong COVID sa buong mundo para makabalik na po 'yong mga nawalan ng trabaho," sabi naman ng UV Express driver na si Wilfredo Trinidad.

Sa mga panalangin, nabubuhay ang kanilang pag-asang bubuti rin ang lahat at muling makababangon ang mundo mula sa hamon at hagupit ng nagdaang taon pagdating ng 2021.

-- Ulat ni Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.