Iba pang 'killer lambanog' posibleng umiikot pa sa merkado: FDA

Raphael Bosano, ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2019 06:15 PM | Updated as of Dec 27 2019 08:03 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Muling nadagdagan ang samples ng mga lambanog na nagpositibo sa mataas na antas ng nakalalasong methanol, ayon sa Food and Drug Administration nitong Biyernes. 

"Nakakuha pa tayo ng samples from PNP (Philippine National Police) na sinubmit sa mga regulatory officers natin [noong Huwebes]... Five out of 5 na samples talagang mataas din 'yung methanol content," ani FDA officer-in-charge director Eric Domingo.

Sa huling ulat, 17 na ang patay matapos makainom ng lambanog na ginawa sa Batangas, na labis-labis ang taas ng methanol content.

Pangamba ni Domingo, maaaring meron pang umiikot na toxic lambanog sa ilang lugar. 

Dahil nakalagay lang sa bote ng tubig ang mga ito, napakadaling pagkamalan na tubig ang lambanog at mainom lalo na ng mga bata. 

Ang ibang sample pa nga, nakalagay lang sa bote ng lechon sauce kaya naman patuloy na naghahanda ang mga ospital sa pagdami pa ng mabibiktima nito.

"Puwede talaga in the next few days may darating pa na pasyente.
So nagre-ready 'yung hospitals natin to treat... Sa PGH (Philippine General Hospital) mag-i-import pa tayo ng mga gamot, meron pa tayong mga antidote na darating," sabi ni Domingo. 

Pero paglilinaw din ng FDA, hindi naman bawal uminom ng lambanog basta't rehistrado sa ahensiya ang gumawa nito. 

Ilan sa mga palatandaan ng rehistradong lambanog ay may maayos na label na nakasaad ang ingredients, alcohol content, batch number, at maging ang lugar at petsa ng paggawa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.