Babaeng nagtangkang dumukot umano ng bata sa Caloocan, arestado

ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2019 04:59 AM | Updated as of Dec 27 2019 07:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

CALOOCAN - Arestado ang isang 27 anyos na babaeng nagtangka umanong dumukot ng 3 anyos na bata sa Huwebes ng gabi, Barangay 31, Caloocan.

Ayon sa tiyuhin ng bata, nakita niya ang babae na hinihila ang kanyang pamangkin sa labas ng kanilang bahay. “Kinuha niya tapos naglakad papalayo buti nabawi namin bata,” sabi ng tiyuhin.

Sa salaysay ng mga residente, hinabol nila ang suspek at dinala sa barangay hall. Maayos nilang kinausap ang babae ngunit nagkunwari pa ito umanong may problema sa pag-iisip at naghubo’t hubad pa.

Ayon kay Kapitan Jose Mercado, pangalawang beses nang may nagtangkang dumukot ng bata at nagpapanggap umanong may problema sa pag-iisip sa kanilang barangay at tingin niya’y ito’y modus operandi lamang.

“Sa mga magulang, ingatan ang anak,” ani Mercado.

Dinala sa Caloocan Philippine National Police at posibleng kasuhan ang suspek ng kidnapping. -Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.