PatrolPH

Matapos 'mambugbog' si mayor, 28 pulis-Guimbal nagpapalipat

ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2018 05:02 PM | Updated as of Jul 08 2019 03:58 PM

Matapos 'mambugbog' si mayor, 28 pulis-Guimbal nagpapalipat 1

Hiniling ngayong Huwebes ng nasa 28 pulis sa Guimbal, Iloilo na ma-reassign o malipat sa ibang lugar kasunod ng umano ay pambubugbog ng alkalde ng bayan at ng anak nitong kongresista sa isa nilang kasamahan.

Sa panayam ng ABS-CBN News, sinabi ni Senior Police Officer 4 Roberto Ellorquez na hiniling niya at ng iba pang pulis-Guimbal na maitalaga sa ibang lugar. 

"'Yong nararamdaman namin bilang pulis nandiyan pa. Kung maaalala namin 'yong nangyari, bumabalik ito. So better na ma-relieve kami dito at ma-assign sa ibang lugar kung saan namin gusto," sabi ni Ellorquez sa lokal na diyalekto. 

Inireklamo ng pambubugbog noong Miyerkoles ng pulis-Guimbal na si Police Officer 3 Federico Macaya Jr. sina Guimbal Mayor Oscar Garin at ang anak nitong si Iloilo 1st District Rep. Richard Garin.

Pinagsasampal, pinagsisipa, at dinuraan umano ni Richard Garin si Macaya habang nakaposas ito, at tinututukan ng baril ni Oscar Garin.

Watch more on iWantTFC

Nagalit daw ang kongresista kay Macaya dahil hindi nito sinunod ang pagsampa ng reklamo laban sa isang lalaki na nampukpok ng bote ng beer sa isang biktima noong Disyembre 22. Subalit iyong mismong biktima daw sa naunang insidente ang tumangging magsampa ng kaso.

Sa isang pahayag, humingi ng paumanhin ang kongresistang Garin, na asawa ni dating Health secretary Janette Garin.

"I sincerely ask for your forgiveness of what I did. I reiterate my apologies for my actions, (over) which I take full responsibility. However, I just would like to clarify that my actions are not directed to the PNP (Philippine National Police) as an institution, or against its officers and personnel," sabi ni Richard Garin sa pahayag.

Nahaharap sa mga reklamong physical injuries, assault to persons in authority, alarm and scandal at grave coercion ang kongresista habang grave threat naman ang reklamo sa amang alkalde.

Sinibak din sa puwesto ang hepe ng Guimbal police dahil bigo raw itong ipagtanggol ang kaniyang tauhan mula sa mga Garin.

Inalisan na ng police escorts ang mga Garin at hiniling na rin ang pagtanggal ng kapangyarihan ni Oscar Garin sa mga pulis-Guimbal.

Ipinag-utos na rin ngayong Huwebes ni PNP chief Director General Oscar Albayalde ang pagbawi sa lisensiya ng mga Garin na magmay-ari ng mga armas, maging ang pagkumpiska sa mga baril ng mga ito.

Inutusan na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of the Interior and Local Government na magsampa ng kaso laban sa mga Garin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.