Kagawad huli nang 'magpaputok ng baril' sa isang bahay

ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2018 12:47 PM

Bakas ang tama ng bala sa gate ng pamilyang Gamboa nang pagbabarilin umano ito ng kagawad sa Barangay Piaz, Villasis, Pangasinan ngayong Pasko

Arestado ang isang kagawad ng Barangay Piaz sa Villasis, Pangasinan nang magpaputok umano ito ng baril sa gate ng isang bahay gabi ng Pasko. 

Kuwento ng may-ari ng bahay na si Dennis Gamboa, agad silang dumulog sa pulis matapos makarinig ang kaniyang pamilya ng putok ng baril habang natutulog. 

“Bigla kaming nakarinig ng putok ng baril…natakot 'yung mga anak ko,” ani Gamboa nitong Huwebes. 

Pagdating ng mga rumisponde, nakita ng mga awtoridad ang kagawad na si Roy Elevazo na may bitbit na 9 mm pistol. 

Bakas din ang tama ng bala sa gate ng bahay ni Gamboa. 

Ayon sa imbestigasyon ng Villasis police, nakikipagtalo sa inuman si Elevazo at ang kapatid ni Gamboa bago ang pamamaril. 

Labing-apat na basyo ng bala ang narekober sa lugar. Samantala, walang maipakitang dokumento si Elevazo para sa bitbit nitong baril sa insidente. 

Hindi rin umano ito ang unang beses na nanggulo sa pamilya ang kagawad. 

Bukod sa kasong administratibo bilang kagawad, nakakulong si Elevazo sa kasong illegal possession of firearms at illegal discharge of firearms. 

Ito rin ang unang kaso ng indiscriminate firing na naitala sa Pangasinan bago mag-Bagong Taon. 

-- Ulat ni Elaine Fulgencio, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.