Perang walang ‘mukha,’ beberipikahin at iimbestigahan

ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2017 07:00 PM | Updated as of Dec 27 2017 11:58 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Iimbestigahan na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang report ng mga perang papel na walang naka-imprentang mukha ng personalidad na dapat ay tampok sa salapi.

Sa nag-viral na post kasi ni Earla Anne Yehey nitong Lunes, araw ng Pasko, ipinakita niya ang ilang pirasong P100 na papel na na-withdraw umano sa isang automated teller machine (ATM) ng Bank of the Philippine Islands (BPI).

Walang mukha ni Manuel Roxas ang mga perang papel.

 

Kapansin-pansing wala ring numerong 100 sa kaliwang bahagi ng pera at hindi buo ang salitang "Republika ng Pilipinas" sa taas na bahagi.

Putol din ang numerong zero sa kanang bahagi ng mga salaping papel.

Kaya tanong niya sa BPI at BSP, paano niya ipamimigay ang perang pamasko kung walang mukha ang na-withdraw niyang pera?

Tumangging magpa-interview si Yehey, pero ayon sa mga mensaheng ipinadala niya sa ABS-CBN News, alas-2:30 ng madaling araw ng Lunes siya nag-withdraw sa ATM sa isang branch ng BPI sa Eastwood.

P2,400 pesos aniya ang kaniyang na-withdraw, pero ang butal na apat na piraso ng P100, lahat walang mukha.

Dagdag pa ni Yehey, dalawa pa niyang katrabaho ang naka-withdraw rin ng parehong bills na walang mukha.

Iniimbestigahan na ng BPI ang insidente at hinihintay na lang nila ang tugon ng BSP sa umano'y maling imprenta ng P100 bills.

"We are waiting for the Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) to verify the misprinted P100 bills. We will provide updates once we hear from the BSP," pahayag ni Owen Cammayo, head ng BPI corporate affairs and communications.

Bukod naman sa sisiyasatin, tinawag din ng BSP na "isolated incident" ang perang walang mukha.

Pinapayuhan din nila ang sinumang may hawak ng mga perang walang mukha na makipag-ugnayan kaagad sa kani-kanilang mga bangko.

Pahayag ni BSP Governor Nestor A. Espenilla, Jr.: "Right now, we're investigating such claims which appear to be isolated. You may advise holders of such bills to coordinate with their bank right away to facilitate proper investigation."

-- Ulat Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.