'Napuno na siguro': Duterte, nagsalita na sa pagbibitiw ni Paolo

ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2017 01:09 AM

Watch more in iWant or iWantTFC

Itinanggi ni Pangulong Rodrigo Duterte na binigyan niya ng suhestiyon o hinikayat ang anak na si Paolo Duterte na magbitiw bilang Davao City vice mayor.

Ayon sa pangulo, noong bisperas pa lang ng Pasko, habang tinututukan nila ang sitwasyon ukol sa nasunog na NCCC Mall sa Davao City, sinabi na sa kaniya ni Paolo na magbibitiw siya sa pagka-bise alkalde ng lungsod.

"Sabi ko sa kaniya, 'Ikaw. You are in a position to do what is right. Kung ano lang ang tama sa iyo, gawin mo'," sabi ng pangulo ukol sa pag-uusap nila ni Paolo.

Marami na raw kasing nangyari na nagtulak kay Paolo na magbitiw sa puwesto, gaya ng isyu ng pictorial ng anak nito at ang personal nilang alitan.

Binanggit din ni Paolo sa kaniyang pagbibitiw ang pagdadawit sa kaniya sa isyu ng smuggling sa Bureau of Customs.

Ayon naman sa pangulo, walang napala ang Senado sa pagpapatawag nito kay Paolo sa pagdinig.

"I never suggested any resignation. Sabi ko, 'ikaw, you…' siguro 'yong sa anak niya, 'yong pictorial... napuno na siguro," sabi ng presidente."'Let the people decide. But if you think that there is a better way to do it, do what is right'."

Nanghihinayang si Davao City Mayor Sara Duterte sa pag-resign ng kaniyang kapatid lalo't maraming kailangang tugunan ngayon ang Davao City tulad ng mga biktima ng baha at sunog.

Ayon sa Department of Interior and Local Government sa Davao Region, nakadepende pa sa pangulo kung tatanggapin niya ang resignation.

Sa pahayag naman ng kritiko ni pulong na si Sen. Antonio Trillanes IV, hindi siya naniniwalang delicadeza ang dahilan ng pagbibitiw ng bise alkalde.

Saad ng pahayag ni Trillanes: "Pinatulan nga niya anak niya publicly sa Facebook, tapos delicadeza? Besides, he has already been cleared months ago by Gordon's committee de abswelto."

Wala pang tugon si Paolo sa banat ni Trillanes.

-- Ulat ni Hernel Tocmo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.