Motoristang nanapak ng enforcer, arestado

ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2017 06:30 PM | Updated as of Dec 27 2017 10:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado ang isang lalaki matapos sapakin at murahin ang isang tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa may EDSA-Balintawak noong Martes.

Sa video na kuha ng traffic constable ng MMDA na si Jingoy Oli, makikitang sinisigawan at minumura siya ng isang lalaki sa may kahabaan ng northbound lane sa EDSA-Balintawak.

Nakuhanan din ang pagsuntok sa kaniya ng suspek na si Ryan Christopher Bautista.

Kuwento ni Oli, nagalit umano sa kaniya si Bautsta nang tumulong siya sa banggaang kinasangkutan ng motorsiklong sinasakyan ng suspek.

Ayon kay MMDA spokesperson Celine Pialago, hindi nila palalampasin ang mga insidente ng pananakit sa kanilang mga tauhan.

Patuloy rin ang pag-udyok nila sa mga enforcer na magsuot ng body camera.

Agad namang inaresto si Bautista at dinala sa Quezon City Police District (QCPD) Station 3.

Inamin ng suspek na sinapak niya ang constable pero iginiit nitong siya ang nasa tamang katuwiran.

Plano ng QCPD na ipasailalim sa drug test si Bautista.

Hindi naman aatras si Oli sa pagsampa ng kaso laban sa suspek.

-- Ulat nina Doland Castro at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.