Mga kaanak ng nasawi sa sunog, kakasuhan ang pamunuan ng NCCC mall

ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2017 11:26 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Desidido ang mga kaanak ng mga biktima na kasuhan ang pamunuan ng NCCC mall sa Davao City kasunod ng sunog na ikinasawi ng mahigit 30.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) at Philippine National Police Scene of the Crime Operation (PNP-SOCO), 38 ang kabuuang naiulat na na-trap sa sunog sa NCCC Mall nitong Sabado, Disyembre 23.

Karamihan sa kanila ay mga empleyado ng isang call center sa mall.

Narekober na ang 37 bangkay habang mayroon pang isang naiulat na nawawala hanggang ngayon.

May isa pang bangkay na posibleng isailalim sa DNA testing para makilala.

Ayon sa Davao City Health Office, namatay ang mga biktima dahil sa makapal na usok.

Ayon kay Dr. Danilo Ledesma, medico-legal officer ng city health office, "asphyxia by suffocation secondary to carbon monoxide poisoning" ang kanilang ikinamatay.

Para sa mga kaanak ng mga nasawi, may kapabayaan ang mall.

Ito'y kahit kinumpirma ng BFP at business bureau ng lokal na pamahalaan na may fire safety inspection certificate ang mall na mapapaso pa lang sa 2018.

Nauna nang ikinuwento ng ilang nakaligtas sa sunog na walang tumunog na fire alarm nang sumiklab ang apoy.

Hindi rin umano gumana ang sprinklers ng gusali.

Tinitingnang sanhi ng sunog ang problem sa electrical connection sa ikatlong palapag ng gusali.

HINAGPIS NG MGA KAANAK

Sa halip na magdiwang ng Pasko sa Surigao del Sur ang mag-amang Roy at Rollen Pabelonia, bumiyahe sila ng Davao City dahil kabilang ang kanilang kaanak na si Joyne Pabelonia sa mga nasawi sa sunog.

Sobrang sakit para sa kanila na dalawang araw pa matapos ang sunog nakita ang bangkay ni Joyne.

Breadwinner pa man din ang biktima na ipinagsasabay ang trabaho bilang call center agent at pag-aaral sa sunday school sa kursong hotel and restaurant management.

Magtatapos na sana siya sa Marso 2018.

Handa naman magbigay ng ayudang pinansiyal sa mga biktima ang lokal na pamahalaan ng Davao, pati ang SSI na may-ari ng call center, at ang NCCC mall.

Pero wala pang tugon ang pamunuan ng mall sa ikinakasang kaso ng mga naiwang kaanak ng mga biktima.

-- Ulat ni Madonna Timbal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.