Lalaking bagong kasal, naputulan ng daliri dahil sa boga

Michelle Soriano, ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2017 06:27 PM

BASISTA, Pangasinan - Maagang natapos ang pagdiriwang sa araw ng kasal ng 29-anyos na si Crispin Mendoza at asawang si Ryzza matapos maputolan ng daliri si Crispin.

Alas-8 ng gabi noong December 24, habang nagsasaya pa ang mag-anak sa kanilang bahay sa Brgy. Anambongan, nasabugan ng gamit na boga si Mendoza.

Itinakbo si Mendoza sa Region 1 Medical Center sa Dagupan City at kinailangang putulan ng hinliliit.

“Pagkarinig namin, tumakbo kami rito. Ayun. Naputukan na pala,” sabi ni Jake Soriano, bayaw ng biktima.

Sa tala ng Pangasinan Provincial Health Office, 3 na ang naitatalang biktima ng paputok sa probinsya simula noong December 21.

Nasa 14 hanggang 29 years old ang mga biktima. Lahat sa kamay ang sugat dahil sa boga at 5-star triangle.

December 20 pa lang naka-code white na ang mga pampublikong ospital sa probinysa para sa pagsalubong ng Pasko at Bagong Taon.

Itinataas ang code white kapag may malakihang pagdiriwang o aktibidad tulad ng rally, election, Pasko at New Year dahil sa posibleng mga kaso ng malalang injury.

Inihahanda na rin ang firecracker injury treatment area sa ospital. Hiwalay ang entrance nito sa mga kaso naman ng vehicular accidents na naitatala rin tuwing sumasapit ang bagong taon.

Kumpara sa 62 noong 2015, bumaba sa 38 ang bilang ng mga biktima ng paputok na isinugod sa R1MC noong 2016.

Ayon kay Dr. Noel Manaois, head ng Hospital Emergency Management Service ng R1MC, naka-full force ang kanilang ospital.

“Meron kaming response team on stand by. Second response team on call siya. Ready 'yung staff namin,” dagdag ni Dr. Manaoi.

Sa December 31 pa ilalabas ang mga gagamitin sa treatment area dahil kailangang panatilihing sterile ang mga ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.