Labandera patay sa pamamaril sa Tondo

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2017 05:31 AM

Patay ang isang babae matapos pagbabarilin habang natutulog sa kanyang kwarto sa Tondo, Maynila Miyerkoles ng madaling araw.

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo si Debbie Mercado, 36-anyos.

Ayon sa kanyang nanay, pasado ala-1 ng madaling araw nang magising siya dahil sa isang putok.

"Nagulat na lang ako...kinutuban na ako," aniya.

Wala naman umanong nakaalitan ang biktima. Wala din itong permanenteng trabaho at tumatanggap lang ng mga labada.

Umamin naman ang kanyang ina na gumagamit si Mercado ng shabu pero hindi ito sangkot sa bentahan nito.

Iniimbestigahan pa ng mga pulis ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.