Karelasyon? Suspek sa pagpaslang sa mag-ina sa Cavite, kinilala

ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2017 09:25 PM | Updated as of Dec 28 2017 11:58 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Binigyan na ng pagkakakilanlan ng Cavite police ngayong Miyerkoles ang suspek sa pagpatay sa mag-ina ng mandaragat na si Marlon Gamos.

Ayon sa pulisya, suspek sa pagpatay kina Ruby Gamos at sa pitong taong gulang nitong anak si Ruel Galvan Cabatingan, na umano'y kababata at karelasyon ni Ruby.

Batay sa salaysay ng mga kapitbahay sa pulisya, madalas makita si Cabatingan sa bahay ng mga Gamos.

Disyembre 11 nang matagpuan ang bangkay ng mag-ina sa loob ng bahay sa isang subdivision sa General Trias, Cavite.

Lumabas din sa imbestigasyon ng mga awtoridad na may semilya sa bed-sheet sa bahay ng mga biktima.

"Prior to the incident magkasama itong dalawa," ani Superintendent William Segun, hepe ng Cavite police.

"May nakitang semen sa bed-sheet ng bahay ni Ruby na nagpapatunay na hindi lang si Ruby ang tao doon," ani Segun. "Walang indication na pinilit si Ruby."

Dagdag ni Segun, ilang buwan pang umupa ng bahay sa Alapan, Imus sina Ruby at ang suspek.

Inupahan ang bahay mula Enero hanggang Hunyo. Matapos nito'y sa bahay ng mga Gamos na namalagi ang suspek.

Tinitingnan ng pulisya ang selos bilang motibo sa krimen.

Posibleng kamay lang umano ang ginamit sa pagpatay dahil hindi ginamit ang mga kutsilyo sa bahay.

Hindi rin umano pagnanakaw ang tunay na motibo dahil, bukod sa telebisyon at mga cellphone ng biktima, hindi ginalaw ang mga alahas at pera.

Tinangay ang sasakyan ng mag-ina pero kalauna'y natagpuan din sa tapat ng isang sementeryo sa Imus.

Kalmado namang tinanggap ni Marlon ang resulta ng imbestigasyon.

Nagsampa ngayong Miyerkoles ang padre de pamilya ng kaso laban sa suspek pero tumanggi itong magbigay ng pahayag sa media.

Kasong murder ang isinampa laban sa suspek.

-- Ulat n Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.