‘Jeep na sumalpok sa bus, nag-counterflow’

ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2017 09:43 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Ipinasilip sa ABS-CBN News ng pamahalaang lokal ng Agoo, La Union, ang kuha sa CCTV ng salpukan ng jeep at bus na ikinasawi ng 20 biktima ngayong araw ng Pasko, Lunes.

Gayunman, tumanggi ang lokal na pamahalaan na isapubliko ito dahil kinokonsulta pa raw nila ang kanilang legal officers.

Base naman sa ipinasilip na video, nag-counterflow ang jeep.

May nakasalubong na SUV pero nakaiwas ang sasakyan.

Kasunod ng SUV ang Partas bus na sinubukan pang umilag pero nasapul ng jeep.

Sinegundahan din ito ng resulta ng inisyal na imbestigasyon ng Agoo, La Union Police na nasa tamang linya ang Partas bus nang sumalpok ang jeep galing sa kabilang linya.

Sa kabila nito, nagsampa pa rin ng reklamo ang ilang kaanak ng mga namatay at nasugatan laban sa driver ng bus na si Rodel Sadac.

Mahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide at reckless imprudence resulting in multiple injuries and damage to property ang driver ng bus.

Iginiit naman ng driver na wala siyang kasalanan sa insidente.

Nagpaabot din siya ng pakikiramay sa mga naiwang kaanak ng mga nasawi.

Sa Enero 6, ililibing ang 18 sa mga namatay.

TULUYANG SINUSPENDE

Watch more in iWant or iWantTFC

Inilabas na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang preventive suspension orders laban sa Partas bus at sa may-ari ng jeep na nagbanggaan.

Ayon kay LTFRB spokesperson Atty. Aileen Lizada, pitong bus ng Partas ang sakop ng suspension order base sa prangkisa ng bus company.

Dalawang jeep naman ang sakop ng suspension order laban sa may-ari ng jeep.

Patay ang 20 pasahero ng jeep sa salpukan.

Tuluyang sinuspende ang prangkisa ng mga bus ng Partas matapos itong mabigong isumite ang kuha ng dashcam video ng salpukan, sa palugit na ibinigay ng LTFRB nitong tanghali ng Martes.

Nagsumite naman ngayong Miyerkoles ang Partas ng secure digital (SD) card ng dashcam video, pero hindi ma-i-convert at mapanood ng LTFRB.

"We did not accept the SD cards, otherwise it might be on the shoulders of the LTFRB if there is any defect in the SD card, so we told them to give us the footage of the incident," sabi ni Lizada.

Isinumite na rin ng Partas sa LTFRB ang global positioning system (GPS) ng bus.

-- Ulat nina Justin Aguilar at Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.