Indian national, patay sa aksidente sa GenSan

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2017 11:58 PM

Patay ang isang Indian national matapos bumangga ang kanyang minamanehong motorsiklo sa isang kotse sa Baluan, General Santos City Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang namatay na si Kulwir Singh, 40-anyos.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng General Santos Traffic Management Unit, bigla umanong nag-U-turn sa highway si Singh pero tiyempo naman paparating ang kotseng minamaneho ni Rodolfo Garcia.

"Parehong direksiyon itong dalawa. Nasa outer lane itong motorsiklo at innermost lane naman yung kotse. Pagliko ng motor, tiyempong dumating yung kotse kaya nagsalpukan sila," pahayag ni PO2 Walbert Gallinero, investigator ng General Santos Traffic Management Unit.

Idineklarang dead on arrival sa Dr. Jorge P. Royeca Hospital si Singh.

Kwento naman ng misis ni Garcia, mabagal lang ang takbo ng kanyang mister na papunta sanang Alabel, Sarangani.

"Willing kaming makipag-usap sa family para sa aming obligasyon pero maingat na nag-drive yung mister ko," pahayag ni Jet Garcia.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.