‘Di pa maipaliwanag’: Ama ng nawalang dalagita, humingi ng paumanhin

ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2017 10:30 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pumayag ang ama ng nawalang dalagitang si Ica Policarpio na isailalim ang anak sa psychological evaluation ng National Bureau of Investigation (NBI).

Tumungo sa NBI ngayong Miyerkoles si Rufino Policarpio, ama ng 17 anyos na si Ica na nawala noong Huwebes sa Muntinlupa at nahanap noong Linggo sa San Pablo, Laguna.

Ayon kay Rufino, hindi maipaliwanag ng kaniyang anak kung paano siya nakarating sa Laguna at kung bakit niya iniwan ang gamit sa coffee shop kung saan siya huling nakita.

"Hindi ko pa maipaliwanag at this point. Kung iisipin natin how she left everything, it's also a clue or an indication as to the seriousness of her condition," aniya.

Nilinaw ni Rufino na walang kinalaman ang pagkawala ni Ica sa nababalitang "48 Hour Challenge," kung saan sadyang nagtatago ang mga bata para mapansin sa social media.

Nauunawan umano ni Rufino ang batikos na natatanggap nila sa social media dahil sa kakulangan ng paliwanag sa nangyari.

"In fairness to everyone, yes, we owe some form of explanation," ani Rufino. "We don't know the entire truth as of now. May mga bagay na [malalaman] lamang after ng thorough evaluation."

Una nang ipinahayag ni Bea, kapatid ni Ica, na dulot ng "deep emotional distress" ang pagkawala ng dalagita. 

Nangako ang pamilya Policarpio na patuloy silang makikipag-ugnayan sa NBI para matuldukan ang kaso.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Missing persons

Matapos mahanap si Ica, ilang nawawalang mga tao ang nakita rin ng kanilang mga kaanak sa mismong araw ng Pasko sa tulong ng social media.

Isa na rito ang pamilya Magnaye na idinulog sa Facebook ang pagkawala ng 24 anyos na anak na si Benok, na may autism.

Nakatanggap sila ng mensahe na nagsabing nakita ang anak sa Pulilan, Bulacan.

Sa mismong araw ng Pasko, nahanap si Benok ng kaniyang mga magulang.

"May mga nag-comment sa mga pinost ng asawa ko," ani Dennis Magnaye, ama ni Benok. "Iyon ang nakatulong ng malaki at iyon din talaga ang naging dahilan para puntahan namin siya."

Social media rin ang naging dahilan para muling magtagpo ang mag-inang Corazon at Lany Royales.

Kumalat sa Twitter ang retrato nina Lany na may suot na damit na nakapaskil ang flyer ng kanilang nawawalang inang si Corazon, na may alzheimer's disease. 

Pasko rin nang matagpuan si Corazon.

"Gusto po naming makilala kung sino po iyong tumulong sa nanay ko at nagpapasalamat po kami ng sobra," ani Lany.

Para kina Dennis at Lany, hindi kailangan mawalan ng pag-asa ang mga gaya nilang minsan nang nawalan ng kaanak dahil marami pa rin ang may malasakit at handang tumulong.

-- Ulat nina Niko Baua at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.