Dating sekyu, nasabugan ng granada sa Zamboanga

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2017 04:07 PM | Updated as of Dec 27 2017 10:53 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Naputol ang kamay ng isang dating guwardiya matapos sumabog ang hawak niyang granada sa Zamboanga City.

Sa kuha ng CCTV sa isang bahay sa Saavedra Subdivision, Barangay Tetuan, makikita ang paglapit ni Antonio dela Cruz sa guard house.

Nakita rin sa CCTV na may kinuha siya mula sa kanyang bulsa at binantaang ihahagis ito sa amo ng kanyang misis na isang retiradong huwes.

Lumipas ang ilang segundo, sumabog ang granada at naputol ang kanang kamay ni Dela Cruz. Nakapaglakad pa ito at pumasok sa kanyang bahay.

Tumakbo naman ang guwardiya ng subdivision sa takot.

Ilang minuto pa ang lumipas nang bumalik si Dela Cruz sa may guard house pero dito na siya natumba.

Tinulungan naman ng mga kapitbahay na isakay sa multicab si Dela Cruz para madala sa ospital.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, nagkaroon ng away si Dela Cruz at kanyang misis. Pero hindi pa malaman ng mga pulis kung bakit nagalit din ito sa amo ng kanyang asawa.

Hindi naman nasugatan ang dating judge, pero nagkaroon ng minor injury ang isang pulis na kapitbahay naman ng kanyang amo.
 
Sinampahan na ng kasong frustrated murder at illegal possession of explosive si dela Cruz.

Inaalam pa ng mga pulis kung paano at saan niya na nakuha ang granada.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.