Bagong P5, hindi pa magagamit sa MRT/LRT ticket vending machine

ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2017 10:35 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nagpaalala ang Department of Transportation (DOTr) na hindi pa magagamit ang mga bagong P5 barya sa mga ticket vending machine (TVM) ng LRT at MRT.

Ilang pasahero naman ang dismayado sa balitang ito at nalilito rin sa hitsura ng bagong P5 dahil may pagkakatulad sa pisong barya.

Tulad na lang ni Renato Pablo na araw-araw sumasakay ng LRT para pumasok sa trabaho. 

Para mas mabilis ang kaniyang pagsakay, pumipila siya sa TVM.

Nakalilito aniya ang bagong P5 ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) dahil kamukha nito ang piso sa kulay at laki. 

Mas nakadidismaya ring hindi nababasa ng TVM ang bagong P5.

Ipinagtataka naman ng senior citizen na si Linda Abdon kung bakit hindi muna naisaayos ang TVM at ang hitsura ng P5 bago naglabas ng bagong barya ang BSP.

Pero ayon sa DOTr, hinintay pa nila ang "authority to export" ng BSP bago nila masimulan ang recalibration o pag-update sa firmware na ginagamit sa TVM.

"We need to have a firmware update for all of our ticket vending machines. Iyang firmware update na iyan is done in Germany, which requires us to send sample coins to Germany as well," paliwanag ni DOTr assistant secretary TJ Batan.

Aabutin ng 47 days o halos dalawang buwan bago matapos ang recalibration sa Germany.

Pansamantalang nagpapaalala ang DOTr na magpa-reload ng beep card sa ticket booth.

Puwede ring bumili ng single journey ticket sa ticket booth.

Kung talaga namang gustong gumamit ng TVM at panay bagong P5 barya ang mayroon sa bulsa, maaari itong papalitan ng lumang barya sa istasyon para magamit ang TVM.

Samantala, gusto naman ni Sen. Nancy Binay na pansamantalang itigil ng BSP ang paglalabas ng bagong P5 habang ipinalalaganap pa sa publiko ang hitsura ng bagong barya.

"It is best to keep an eye on those new P5 coins (Mainam na maging mapagkilatis sa mga bagong P5 barya). Lalo na doon sa mga nanunukli ng barya sa tricycle, jeep, tindahan at mga maliliit na negosyo," ani Binay sa isang pahayag.

-- May ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.