Babae tinamaan ng bala sa pisngi dahil sa ‘alitan sa basketbol’

ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2017 06:56 PM | Updated as of Dec 27 2017 09:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang babae ang tinamaan ng bala sa mukha sa Makati City noong Pasko nang magpaputok ang mga suspek para sindakin ang nakaalitang grupo.

Nakuhanan ng CCTV sa Barangay Comembo, alas-4 ng madaling araw, ang apat na lalaking lulan ng dalawang motorsiklo.

Tumungo sila sa Macopa Street, kung saan may nag-iinumang grupo ng mga kalalakihan.

Agad bumunot ng baril ang isa sa mga angkas ng motor at sunod-sunod na nagpaputok pataas.

Napatakbo ang ilang mga lalaki pero tiyempong tinamaan sa pisngi ang isang babaeng call center agent na sakay ng dumadaan na Grab taxi.

Nananatili sa ospital ang biktima na kinakailangang sumailalim sa reconstructive surgery.

Lumabas sa imbestigasyon ng Makati police na sinindak ng mga lalaking sakay ng motor ang mga nag-iinuman matapos magkaroon ng alitan ang mga ito dahil sa basketball.

Tinukoy ng mga testigo ang mga suspek na sinampahan ng mga reklamong reckless imprudence resulting to serious physical injury at malicious mischief.

Aabutin ng anim na buwan hanggang isang taon bago tuluyang gumaling ang biktima.

-- Ulat nina Jerome Lantin at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.