42 naitalang sugatan sa paputok: DOH

ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2017 04:10 PM | Updated as of Dec 27 2017 06:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pumalo sa 42 nitong Miyerkoles ang bilang ng mga naitala ng Department of Health (DOH) na nasugatan dahil sa paputok.

Mula alas-6 ng umaga noong Disyembre 21 hanggang alas-6 ng umaga ng Disyembre 27, ang naitalang mga firework-related injuries.

Nadagdagan ito ng 13 mula sa 29 naitalang insidente noong Martes.

Ayon sa DOH Epidemiology Bureau, mas mababa ito ng 55 porsiyento kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon at 70 porsiyento mas mababa sa loob ng 5 taon mula 2012 hanggang 2016.

Ang National Capital Region ang nagtala ng pinakamaraming sugatan na aabot sa 24. Nangunguna sa rehiyon ang lungsod ng Maynila na may 16 kaso.

Apat ang nagtamo ng eye injury, 3 ang naputulan ng daliri habang 31 ang nagtamo ng mga sugat sa kamay.

Karamihan sa mga sanhi ng sugat ay piccolo, na isa sa mga ipinagbabawal na paputok.

Hanggang Enero 5 magbibilang ang DOH ng mga insidente ng sugatan dahil sa paputok.

Watch more in iWant or TFC.tv

Anim naman ang naaresto ng mga awtoridad dahil sa pagbebenta ng ilegal na paputok.

Batay sa tala ng Philippine National Police (PNP) simula Disyembre 16, isa mula Ilocos region at lima mula Central Visayas ang nahuling nagbebenta ng ipinagbabawal na paputok.

Tatlo ang patuloy na tinutugis ng pulisya, kabilang ang dalawa mula sa Cagayan region at isa sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Nagpaalala rin ang PNP na bukod sa mga nagbebenta ng ilegal na paputok, aarestuhin din ang mga magpapaputok sa labas ng mga itinalagang firecracker zone at fireworks community display area.

Ito'y alinsunod sa kautusang ipinalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hunyo na naglalayong limitahan ang paggamit ng mga paputok.

-- Ulat nina Henry Atuelan at Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.