4 na kuwago, nailigtas sa Northern Samar matapos manalasa ang bagyong 'Urduja'

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2017 08:24 PM

Nailigtas ng isang magsasaka sa Barangay Aquino sa bayan ng Palapag, Northern Samar ang apat na batang kuwago matapos ang pananalasa ng bagyong Urduja.

Ayon kay Dennis Arino, ecosystem management specialist ng City Environment and Natural Resources Office ng bayan ng Pambujan, nakita ni Julito Orio ang mga kuwago nitong nagdaang linggo.

Nanghihina na umano ang mga ito nang matagpuan. Nabasa rin ang mga ito dahil sa malakas na ulan.

Pinaniniwalaan na nasira ng bagyo ang tinitirhan ng mga kuwago.

Napag-alaman na Oriental Bay owl ang uri ng kuwagong nailigtas ni Orio.

Kasalukuyang nasa pangangalaga ng CENRO ang mga ibon at nakatakdang dalhin sa Regional Wildlife Rescue Center sa Palo, Leyte.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.