Babae, nagpuslit ng droga sa pandesal

Pauline Manalo, ABS-CBN News

Posted at Dec 28 2016 05:04 AM

SAN FERNANDO – Arestado ang isang babae matapos maaresto ng mga pulis dahil sa pagtatangkang pagpuslit ng iligal na droga sa loob ng pandesal.

Bisperas ng Pasko nang hulihin ng mga pulis ang suspek na si Cristy Dizon nang magtangka itong magdala ng tinapay na may nakasilid na isang paketeng naglalaman ng methamphetamine hydrochloride, o shabu.

Ayon kay PO2 Jeremy Bargamento, ang imbestigador na naka-toka sa kaso, nakita ang droga nang tingnan ng guwardiya sa San Fernando Police Station ang dala ni Dizon.

Ipinalaman umano sa tinapay ang pakete ng droga kasama ang keso.

“Noong pina-test po natin, lumabas na positive pong shabu [ang laman ng pakete],” ani Bargamento.

Hindi itinanggi ni Dizon ang kanyang sala. Ayon sa kanya ay nais niyang paghigantihan ang isang nakakulong sa loob ng preso, na kinakasama raw ng asawa.

“Hindi nga po siya nambabae sa labas, dito po siya nambabae. May babae po dito ang asawa ko,” ani Dizon.

Hindi niya umano inasahang siya ang makukulong. 

“Sobrang rindi ko po, hindi ko po siya mapatay sa loob. Ginawa ko, dinalhan ko ng shabu para mapatungan pa ang kaso niya,” sabi ng suspek, na nalungkot umano dahil maaaring hindi niya makasama sa bagong taon ang mga anak.

Payo ni Bargamento, huwag na lang dalhin sa bilangguan ang mga ipinagbabawal na gamot.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.