1 patay, 18 nawawala sa paglubog ng barko sa Batangas

Dennis Datu, DZMM

Posted at Dec 27 2016 10:13 AM | Updated as of Dec 27 2016 01:13 PM

MANILA - Patay ang isang tripulante habang pinaghahanap pa ang 18 niyang kasamahan matapos lumubog ang isang barko sa karagatang sakop ng Mabini, Batangas sa kasagsagan ng Bagyong "Nina," Lunes. 

Narekober ng mga mga awtoridad Martes ang bangkay ni Lyka Banaynal, crew member ng lumubog na MV Starlite Atlantic, ayon kay Commander Raul Belasario, hepe ng Philippine Coast Guard-Batangas station. 

Dumating na rin sa Mabini ang dalawang barko ng PCG na magsasagawa ng search and rescue operation para sa mga nawawalang crew. 

Nagpapagaling naman sa ospital ang 14 nakaligtas na tripulante, kasama na ang kapitan ng barko na si Eric Cuevas. 

Kuwento ni Cuevas, nasa anchorage area ang Starlite Atlantic pero dahil sa lakas ng hangin at alon doon ay nagdesisyon siyang ilipat ang barko sa sheltering area sa pagitan ng Mabini at Bauan. 

Nadatnan ng Starlite na puno na ang sheltering area kaya bumalik na lamang ito sa Mabini. 

Pero habang papabalik, nasapol ng malalakas na alon ang barko hanggang sa tumagilid ito at unti-unting lumubog. 

Inutusan ni Cuevas ang kanyang mga tauhan na magsuot ng life jacket at abadonahin na ang barko. 

Tiniyak naman ng PCG na walang banta ng oil spill ang lumubog na Starlite Atlantic.