PatrolPH

Reproduction number ng COVID-19 sa Metro Manila, tumaas

ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2021 01:11 PM | Updated as of Dec 26 2021 07:02 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA - Tumaas ang reproduction number ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR), sabi ngayong Linggo ng OCTA Research Group.

Ang reproduction number ang bilang ng mga puwedeng mahawahan ng isang positibo sa sakit.

Naitala ang 0.70 na reproduction number sa Metro Manila mula noong Disyembre 22, mas mataas sa 0.42 noong Disyembre 15.

Ayon sa OCTA, nakita rin ang naturang pagtaas ng reproduction number bago ang holiday season noong nakaraang taon, pero bumaba sa mismong holidays at saka tumaas uli pagsapit ng unang linggo ng Enero.

Samantala, sunod-sunod na rin ang pagtaas ng positivity rate, o bilang ng nagpo-positibo sa tine-test sa COVID-19, sa buong bansa.

Mula noong Disyembre 21 ay muling sumampa sa higit 1 porsyento ang positivity rate at patuloy itong tumataas.

Gayunman, pasok pa rin ang positivity rate sa benchmark na itinakda ng World Health Organization na 5 porsiyento para masabing kontrolado pa ang sitwasyon sa COVID-19.

Hindi pa umano ramdam sa mga ospital ang pagdami ng mga kaso dahil pababa pa rin ang paggamit ng mga intensive care unit.

Noong Sabado, umakyat sa 2,777,818 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas matapos makapagtala ng 433 bagong kaso.

Sa 2.7 milyong kaso, 9,376 ang active cases o may sakit pa rin, base sa datos ng Department of Health.

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.