Pasok sa mga pribado at pampublikong mga opisina sa San Jose, Occidental Mindoro, kanselado

ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2019 01:41 AM

Kinansela ng lokal na pamahalaan ng San Jose, Occidental Mindoro ang pasok sa mga pribado at pampublikong opisina sa bayan dahil sa pananalasa ng bagyong Ursula.

Ayon kay San Jose, Occidental Mayor Romulo Festin, nakahambalang kasi sa mga kalsada ang mga naglalakihang puno at poste ng kuryente na itinumba ng bagyo kaya mahihirapan din sa pagbiyahe ang mga residente.

Sisimulan na rin bukas ang clearing operation sa naging epekto ng bagyo, gayundin ang pamamahagi ng relief goods sa mga mangangailangan, lalo na sa mga coastal barangays.

Kinumpirma rin ni Festin na sa ngayon ay walang naitalang nasawi dahil sa bagyo.

Isa ang San Jose sa mga dinaanan ng sentro ng bagyo.

Kasalukuyang nakataas ang Signal No. 2 sa southern Occidental Mindoro, na kinabibilangan ng San Jose at Magsaysay, ayon sa state weather bureau PAGASA. 

- ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.