Paano malalaman kung overpriced ang bilihin sa palengke?

ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2019 07:50 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Inaasahan ang pagtaas ng presyo ng ilang bilihin sa mga palengke habang papasok ang Bagong Taon. 

Gayunman, ayon sa Department of Agriculture, dapat pa ring bantayan kung overpriced ang singil sa mga ito. 

Masasabing sobra-sobra na ang presyo ng bilihin kapag nasa P20 hanggang P30 ang dagdag-presyo nito. 

"Sa mga gulay, P30 [increase] alarming na 'yan. Sa mga karne, P30 lang alarming na 'yan," ani Agricultural Undersecretary Ernesto Gonzales. 

Sa ngayon, ayon kay Gonzales, normal pa rin ang galaw sa presyo ng mga bilihin maliban na lang sa sili na karaniwang nagtataas-presyo kapag Christmas season dahil madalas gawing pulutan. 

Asahan na rin aniya bago ang pagpasok ng 2020 ang dagdag-presyo sa mga bilog na prutas - na pinaniniwalaang suwerte sa pagpasok ng Bagong Taon. 

Nagsimula nang magtaas ng presyo ang ilang bilihin sa Mega Q Mart sa Quezon City. 

Ayon kay Gonzales, maaaring makita ang tamang galaw ng presyo ng bilihin sa official website ng DA. 

At dahil hindi pa maaaring parusahan ang mga nag-o-overprice, magdadagdag na lang ng "Kadiwa Centers" ang DA para doon na ibagsak ng mga magsasaka ang kanilang produkto sa mas murang presyo. 

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.