Lola patay sa sunog sa Puerto Princesa

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2019 12:06 PM

Naglalagablab ang apoy na ikinamatay ng isang matandang babae at ikinatupok ng 9 na mga bahay sa isang barangay sa Puerto Princesa City. Larawan mula kay Juan Miguel Omo

Patay ang isang matandang babae matapos na sumiklab ang apoy na tumupok sa 9 na bahay sa Barangay Tiniguiban sa Puerto Princesa mismong araw ng Pasko.

Natagpuan ang halos kalansay na mga labi ng 68-anyos na matandang babae mula sa nasunog nilang bahay.

Kuwento ng kaniyang kaanak, kasama nito ang apo nang lumabas ng bahay pero bumalik muli para kunin ang kaniyang naiwang gamit.

Ayon sa awtoridad, pasado alas-7 ng gabi nang magsimula ang sunog. Nahirapan ang mga bumbero na pasukin ang lugar dahil sa sikip ng eskinita.

Naideklarang fire out ang sunog bago mag alas-9 ng gabi.

May ilang nasunugan ang bumalik din sa lugar para tingnan kung may maisasalba pa silang mga gamit.

Pinagtiyagaan din nilang damputin ang mga barya at nag-ipon ng mga tanso na puwedeng maibenta.

Wala pa ring malinaw na imbestigasyon kung ano ang pinagmulan ng apoy dahil sa mga magkakaibang kuwento ng mga residente.

Tinatayang nasa P200,000 ang danyos mula sa sunog, ayon sa Bureau of Fire Protection.

Pansamantalang nakikituloy sa mga bahay ng kanilang mga kaanak at sa barangay hall ang mga nasunugan.

May mga dumating na rin na relief goods at tulong pinansyal para sa mga apektadong residente.

Hiling ng mga nasunugan na sana ay madagdagan pa ang dumating na tulong para makapagsimulang muli lalo na at ilang araw na lamang ay Bagong Taon na.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.