6 kaso ng firecracker injury, naitala sa Pangasinan

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2019 12:27 PM

Umabot na sa anim ang bilang ng mga naitalang kaso ng firecracker injury sa Pangasinan. Joanna Tacason, ABS-CBN News

SAN CARLOS CITY, Pangasinan - Anim na ang naitalang kaso ng firecracker injury sa Pangasinan simula Disyembre 21.

Isang 10-taong gulang na batang lalaki na residente ng Barangay Turac ang pinakahuling nabiktima ng paputok, ani Dr. Ana Marie De Guzman, Provincial Health Officer.

“Tayo ay naaalarma, nangangamba at tayo ay dismayado dahil nga may 6 na tayong biktima ng paputok. Kahit na mas mababa kung ikukumpara noong nakaraang taon, same period, meron pa rin tayong naitala, target kasi natin kahit 50 percent man lang maibaba ang bilang,” sabi ni De Guzman.

Ayon sa magulang ng biktima, namulot raw ito ng kwitis sa basurahan at sumabog sa kaniyang mukha nang paglaruan.

Nasa edad 6-10 ang karamihan sa mga batang naputukan. Lima sa mga ito ay active victim o sila mismo ang nagpaputok o namulot ng paputok.

Sa tala ng PHO, nasa 101 ang nabiktima ng paputok noong nagdaang pagsalubong ng Bagong Taon. Kaya nakiusap ang awtoridad sa publiko na gumamit na lang ng alternatibong pampaingay sa pagsalubong ng Bagong Taon.

Kung hindi man maiwasang gumamit ng paputok, maging responsable na lamang sa paggamit nito. Huwag hayaang maglaro o magpaputok ang mga bata at iwasang gumamit ng mga ipinagbabawal na paputok para makaiwas sa disgrasya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.