5 sa 6 na miyembro ng pamilyang tinangay ng agos, natagpuan na

Nony Basco, ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2019 04:04 PM

BATAD, Iloilo – Lima sa anim na miyembro ng pamilya De Asis na tinangay ng malakas na agos ng tubig baha noong kasagsagan ng bagyong Ursula sa Barangay Pasayan ang natagpuan na.
 
Unang nakita ang bangkay ng tatlong taong gulang na si Rheana De Asis noong Miyerkoles. Matapos ang halos isang oras ay sunod na natagpuan ang bangkay ng kaniyang kapatid na si LJ at tatay na si Roel sa palayan may mga kalahating kilometro mula sa pinangyarihan ng insidente.

Sa pagpapatuloy ng search at retrieval operation Huwebes ng umaga, natagpuan naman sa kawayanan ang mga bangkay ni Rose Mae de Asis at pinsan nitong na si Ronilo Evangelio.

Tanging ang bangkay ng 10-taong gulang na si Roel Jr. na lamang ang pinaghahanap sa ngayon.

Halos hindi naman makapaniwala si Andrea De Asis na wala na ang kaniyang asawa at apat na mga anak. 

Nasa Maynila siya nang maganap ang trahedya. Nakatakda sana siyang lumipad patungong Kuwait, Huwebes ng hapon.

Kuwento niya na masaya pa silang naguusap sa telepono noong gabi bago maganap ang trahedya.

Umaasa siya na matatagpuan pa na buhay ang kaniyang nawawala anak ngayong araw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.