3 pulis sugatan sa magkahiwalay na aksidente sa Zamboanga City

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2019 09:46 PM | Updated as of Dec 26 2019 10:39 PM

Nakaupo sa gitna ng daan si Master Sgt. Roseller Pon habang inaalalayan ang kaniyang buntis na kapatid na si Cpl. Lilibeth Bantasan na nasugatan sa salpukan ng dalawang motorsiklo sa Zamboanga City, umaga ng Huwebes, Disyembre 26, 2019. Handout

Tatlong pulis ang sugatan sa dalawang magkahiwalay na aksidente ng motorsiklo sa Zamboanga City, Huwebes ng umaga.

Sugatan sa aksidente sina Master Sgt. Roseller Pon at kapatid nitong buntis na si Cpl. Lilibeth Bantasan matapos silang salpukin ng isa pang motorsiklo sa Baliwasan intersection.

Ayon kay Cpl. Rey Marie Clemente, traffic investigator, hindi nagmenor ang dalawang motorista nang dumating sa intersection.

Tumilapon si Bantasan sa daan at naunang bumagsak ang kaniyang likod sa semento.

Dumadaing siya ng sakit sa katawan pero mas inaalala niya ang kalagayan ng sanggol sa sinapupunan.

Di rin halos makalakad si Pon dahil sa mga sugat sa kaniyang paa.

Dinala sila agad sa pagamutan at kasalukuyang inoobserbahan ng mga doktor ang kalagayan ni Bantasan.

Ayon naman sa isang nakakita sa aksidente, ang motorsiklo umano ng magkapatid na pulis ang nakabangga sa isa pang motorsiklo.

Pareho umanong mabilis ang takbo ng dalawang motorsiklo at hindi nagmenor nang dumating sa intersection.

Sa Barangay Campo Islam naman, sugatan din ang isang pulis matapos ma-hit and run ng isang nagmomotorsiklo.

Ayon sa pulisya, nagmamaneho ng kaniyang motorsiklo si Master Sgt. Alnager Lagayan papunta sa trabaho nang nadulas sa daan.

Habang nakabulagta sa daan ay binangga naman siya ng isang nakamotorsiklo.

Nagtamo ng sugat sa ulo si Lagayan at hindi halos makalakad.

Tinitingnan ng mga pulis ang kuha ng CCTV ng isang gusali para sa pagkakakilanlan ng motoristang nakabangga sa biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.