3 lalaki, patay sa pamamaril sa Quezon City

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2019 09:48 AM

MAYNILA - Patay ang tatlong lalaki matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Liñada Street, Barangay Commonwealth, Quezon City, Miyerkoles ng gabi.

Batay sa paunang ulat ni Police Staff Sergeant Bronson Saggot ng Batasan Police, dead on the spot ang biktimang si Juvie Largo at isang hindi pa nakikilalang lalaki matapos magtamo ng mga tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng katawan.

Naisugod naman sa ospital ang isa pa sa biktima na si Lloyd Herbert Agucay na unang nakatakbo pabalik sa kaniyang bahay pero kalaunan ay binawian din ng buhay.

Ayon sa mga saksi, ilang beses na pinagbabaril ang mga biktima ng tatlong naka-helmet na salarin na lulan ng mga motorsiklo.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa krimen at maging ang background ng mga biktima.

Napag-alaman na kalalaya lang ni Agucay nitong Abril dahil sa kasong may kinalaman sa droga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.