2 patay sa Lucena nang malason umano sa ininom na lambanog

Merwin Javier, ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2019 11:12 PM

LUCENA CITY—Patay ang dalawang lalaki dahil sa pagkalason umano sa ininom na lambanog sa Barangay Dalahican sa lungsod na ito.

Kinilala ang mga biktima na sina Arvin Jun Santiago, 34, at Dominic Torres Colegio, 29.

Ayon sa Lucena City Police, alas-8 ng umaga noong Disyembre 24 nang isugod sa Quezon Medical Center sa lungsod na ito ang dalawa na parehong nakaranas ng sintomas ng pagkalason tulad ng pagsusuka at pagkahilo.

Martes, Disyembre 24, ng gabi namatay si Santiago, habang hapon ng Pasko, Miyerkoles, naman si Colegio habang sumasailalim sa dialysis.

Tumanggi na ang mga kaanak na isailalim sa autopsy ang bangkay ng mga biktima.

Inaalam na ng Lucena City Police kung saan binili ng mga biktima ang nakalason umanong lambanog.

Samantala, umabot na sa 17 ang bilang ng namatay dahil sa menthanol poisoning na nangyari sa Rizal Laguna at Candelaria Quezon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.