Mga uuwi sa Bagong Taon dumadagsa na sa mga terminal

ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2018 07:47 PM | Updated as of Jul 10 2019 01:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang araw matapos ang Pasko, nagsimula nang dumagsa ang mga pasahero sa iba't ibang terminal sa Kamaynilaan para makabiyahe pauwi ng probinsiya sa pagsalubong ng Bagong Taon. 

Pumalo sa halos 6,000 ang mga pasahero sa Araneta Center Bus Station sa Cubao, Quezon City nitong Miyerkoles at inaasahang dadami ito hanggang Disyembre 31, ayon sa pamunuan ng terminal na si Ramon Legazpi. 

"We're close to about 70 trips dito sa bus station and about an average of 130 trips sa bus port," aniya. 

Nagkaubusan na ng ticket patungo sa ilang lugar tulad ng Bicol dahil sa mga nagpa-reserve o mga nag-online reservation bago pa man mag-Pasko. 

Pero may ilang chance passenger na nag-aabang ng biyaheng pa-Bicol tulad ni Marlyn Atienza para makasama sa Pista ng La Purisima Nabua sa Biyernes.

"Kung wala po, maghahanap na lang po ng ibang sasakyan. Ganu'n naman e, taon-taon, lagi naman ganito. Maraming tao," ani Atienza, na alas-10 ng umaga pa lamang ay nasa terminal na. 

Kinailangan namang sumakay ang pamilya ni Darwin Diesta sa isang non-airconditioned bus galing DLTB terminal sa Pasay kasama ang pamilya para makauwi ng Bicol dahil punuan na sa Cubao.

Isa sa sinasabing dahilan ng pamunuan ng Araneta Bus Center Terminal kung bakit hindi pa makauwi o makabili ng ticket ang ilang pasahero ay dahil posibleng naghihintay pa ang mga pasahero ng suweldo sa Biyernes. 

Pero tiniyak ng pamunuan ng terminal na sapat ang mga bus para makasakay ang mga uuwi para sa bagong taon. 

Samantala sa Maynila, unti-unti nang napupuno ang Florida Bus terminal sa Sampaloc ng mga pasaherong piniling umuwi ng probinsiya ngayong linggo. 

Sa tala ng Manila Police District Station 4, nasa 300 ang bilang ng mga pasahero sa Victory Liner.

Samantala, nasa 500 ang bilang ng mga pasahero sa Florida Bus Terminal at inaasahang tataas pa ang bilang nito, ayon sa MPD. 

Fully booked ang mga biyaheng patungong Tuguegarao, Ilagan, Cagayan, Isabela, at Tabuk hanggang Disyembre 30 at sa mismong araw ng napiling petsa malalaman ng mga pasahero kung may karagdagan pang biyahe para sa Florida at Victory Liner bus terminals. 

-- Ulat nina Angel Movido at Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.