PatrolPH

Magkapatid na sanggol patay sa sunog sa Binangonan

ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2018 04:48 PM | Updated as of Jul 09 2019 12:51 PM

Dalawang babaeng sanggol ang nasawi sa sunog na sumiklab sa kanilang bahay sa bayan ng Binangonan, Rizal nitong Miyerkoles.

Kinilala ni Senior Superintendent Dionisio Bartolome, direktor ng Rizal police, ang mga nasawi bilang sina Joanna Villapando, siyam na buwang gulang, at Jonalyn Villapando, isang taong gulang.

Natagpuan ang bangkay ng magkapatid sa loob ng bahay matapos maapula ang sunog bandang hapon. Sumiklab ang sunog bandang alas-10:30 ng umaga.

Watch more on iWantTFC

Lumabas ng bahay ang ina ng mga bata dahil may bibilhin nang magkaroon ng sunog, habang nasa trabaho naman ang ama, base sa paunang imbestigasyon ng pulisya.

Naligtas naman ang dalawang nakakatandang kapatid ng mga nasawi na wala noon sa bahay.

Tinitingnan ng mga awtoridad na mga sanhi ng sunog ang pagsabog ng maliit na liquefied petroleum gas (LPG) at overloading sa kuryente.

Wala namang ibang bahay na nadamay sa insidente.

--Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.