Problema sa koneksiyon ng kuryente, sinusuring sanhi ng sunog sa mall

ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2017 09:13 PM | Updated as of Dec 26 2017 11:47 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Hustisya ang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte ng muling kausapin ang mga naulilang kaanak ng mga biktima ng sunog na tumama sa NCCC Mall sa Davao City noong Sabado.

Araw ng Pasko, Disyembre 25, natagpuan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang bangkay ng 36 na mga na-trap na call center agents sa nasunog na mall. Nauna nang nakuha ang isa pa.

Kasagsagan ng misa kahapon nang i-anunsyo ng BFP ang masamang balita.

Napahagulgol ang mga kaanak ng mga na-trap na call center agents.

Humingi ng paumanhin ang BFP sa mga kaanak dahil hindi nila nasagip ang mga naipit sa sunog.

Natagpuan ang kanilang mga bangkay sa lobby ng ikatlong palapag ng mall.

Agad inutusan ng lokal na pamahalaan ang Philippine National Police Scene of the Crime Operatives at BFP na tukuyin ang pagkakakilanlan ng mga bangkay.

Ayon kay Davao City Mayor Sara Duterte, kailangang maibigay agad sa kani-kanilang pamilya ang labi ng mga biktima.

Dinala sa Southern Philippines Medical Center ang mga bangkay.

Sa paunang imbestigasyon ng mga bombero, posibleng may problema sa electrical connection sa ikatlong palapag ng gusali.

KUWENTO NG SURVIVORS

Ayon kay Azenith Moniño, isa sa mga tenant sa mall, noong nasusunog ang gusali ay wala siyang narinig na alarma.

Noong Sabado, Disyembre 23, ikinuwento naman ng nakaligtas na call center agent na si Jazz Caretas na nagtakbuhan sila nang marinig ang sunog.

Dagdag pa niya, naghati sila sa anim na grupo at sa magkaibang fire exit dumaan ang unang tatlong grupo.

Hindi na rin daw makita ang hagdanan sa sobrang kapal ng usok.

Dagdag pa ni Caretas, hindi gumana ang mga sprinkler sa gusali at walang ibang maaaring pagtaguan doon kundi sa banyo.

Bumuo na ng task force ang BFP para imbestigahan ang insidente.

Ayon naman sa grupong Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), malinaw na hindi pa rin nasusunod ang ilang labor law sa bansa.

Kung nagsagawa lang umano ng pagsusuri ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mall ay hindi sana mangyayari ang trahedya.

Saad ng tagapagsalita ng ALU-TUCP: "Had there been a routine and objective workplace DOLE inspection of the mall, this deaths-causing fire could have been minimized to the barest damage to property. Due to DOLE officials' negligence, workers' lives is sacrificed, again this time at the cost of the 37 workers trapped to their deaths."

Kailangan din anilang managot ang call center na SSI sa nangyari.

"The SSI call center company must also be held liable for the deaths of their employees," pahayag ng ALU-TUCP.

Wala pang tugon ang DOLE at SSI sa sinabi ng ALU-TUCP.

Nauna nang sinabi ng SSI na magbibigay sila ng ayuda sa mga kaanak ng mga biktima ng sunog.

-- Ulat nina Vina Araneta at Oman Bañez, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.