Prangkisa ng 7 bus, sususpendihin dahil sa aksidente sa La Union

ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2017 11:35 AM | Updated as of Dec 26 2017 03:34 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sususpendihin ang prangkisa ng Partas bus company matapos nitong hindi ibigay sa mga awtoridad ang dashcam card at GPS data ng bus na dawit sa malagim na aksidente sa La Union, Martes ng tanghali.

Tanging video footage lamang na nagpapakita ng pangyayari sa loob ng bus ang isinumite ng kumpanya sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board, sabi ni Aileen Lizada, board member at tagapagsalita ng LTFRB, sa panayam ng ABS-CBN News.

Pitong unit ng Partas bus ang maaapektuhan ng suspensiyon ng prangkisa, dagdag ni Lizada.

Tanghali ng ika-26 ng Disyembre ang deadline para ibigay ng Partas management para sa mga datos na gagamitin sa pag-iimbestiga sa aksidente na ikinasawi ng 20 pasahero.

Kasama sa mga namatay ang isang sanggol na tinatayang nasa 3 hanggang 5-buwan pa lamang. Hindi bababa sa 25 ang naitalang sugatan.

"Importante 'yun kasi sa GPS makikita natin 'yung speed nung bus.
We appreciate the police reports but maganda din 'yung makita natin 'yung actual (na pangyayari) based sa dashcam," sabi ni Lizada sa isang panayam sa DZMM.

Inisyu ang deadline at ang banta ng suspensyon laban sa Partas matapos hindi ibigay ng kumpanya ang mga hinihinging datos ng LTFRB simula Lunes, matapos maganap ang insidente sa bayan ng Agoo, La Union.

"The Office of the President is also monitoring this crash kaya kailangan na namin isubmit kasi hinihingian na rin kami ng briefer sa taas," ani Lizada.

Pinaalalahanan din ang mga operator ng bus na siguraduhin na nasa kondisyon ang mga driver ng bus bago bumiyahe.

"To the bus operators, 'wag ninyong sagarin 'yung mga bus drivers niyo na minsan 2 oras na lang ang tulog tapos pinapabiyahe niyo agad. Give them enough time to recover," ani Lizada.

Sa ilalim ng panuntunan ng LTFRB, ang bawat driver ay maaari lamang magmaneho ng tuloy-tuloy hanggang 6 na oras.

"Paki-check kung may alternate driver on board. Iba ang driver sa konduktor," ani Lizada.

"We have to exercise extreme safety measures sa road kasi kung ang driver ay not in good condition, delikado talaga ang mga mananakay," dagdag niya.- ilang ulat mula kay Adrian Ayalin, ABS-CBN News.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.